Sunday, August 19, 2012

At Sa Susunod Nating Pagkikita

Unang araw ng pasukan, hindi pa kita nakikita. Tanging pangalan mo pa lang ang aking naririnig nguni't ako'y nagtaka kung bakit iba ang tibok ng puso ko. Ako'y napaisip at napatanong sa sarili, "Sino ang lalaking iyon?". Nang ako'y pinatawag upang ipakilala sa'yo, ako'y kinabahan at nataranta. Iniwan ko ang aking kasama upang puntahan ka. Sa koridor na tapat ng T.L.E room tayo'y unang nagkita. Nagkatinginan ang ating mga mata na tila ba'y may malalim na kahulugan. Kung sa tutuusin, ako'y madaldal at palakaibigan ngunit nang ikaw ay kaharapin, hiya at pag-aalinlangan ang aking nadama.

Habang isinusulat ko ang artikulong ito, ako'y napapaisip sa mga alaala natin. Hindi ko makakalimutan ang intrams natin noon. Paano ba kasi? Tayo ang laman ng Edication Booth. X-mas parti, kaarawan mo iyon, isang masayang pagdiriwang. Naaalala mo pa ba ang mga ligaw tingin mo sa akin? Ang mga love letter na it ginagawa mo para sa akin ngunit itinatanggi mong gawa mo sa tuwing sinasabi sa akin ng pinsan mo? Naaalala mo pa rin ba ang mga linyang ito,"Laos ako eh!"? Sa tuwing sinasabi mo iyan, nalulungkot ako at nalulumbay sabay sabing, "Torpe ka nga.". Nakakatawang isipin at balik-balikan ang ating mga alaala. Dati rati ang sungit sungit ko sa'yo kasi tingin ka ng tingin sa akin. Pero bakit nung minsan nang malaman kong may gusto ka sa isa nating klasmeyt o para lang pagselosin ako? Sinabayan pa eto ng pagpapapnsin ng isa nating klasymeyt sa'yo at mas lalo akong nainis sa'yo. Hindi ko namalayan na nahuhulog na pala ang loob ko sa'yo at tanging selos lang ang nararamdaman ko.

Walang araw at hindi natatapos ang isang linggo na hindi tayo tinutukso ng ating mga klasmeyt maski nga mga nakakatanda at nakababata sa atin pati na rin ang mga guro at ang direktor ay lagi tayong niloloko. Alam kasi ng buong klase na may pagtingin ka sa akin ngunit hindi ko na iyon binigyan ng pansin sapagkat alam kong pangarap mong maging isang pari.

Dalawang araw bago tayo magpaalam sa isa't isa, April 06, 2005, nagtapat ka sa akin ng iyong nararamdaman. Ako'y nagulat ngunit imbis na saya at tuwa ang naramdaman ko, lungkot at paghihinagpis ng puso ko ang aking nadama. Isang taon din tayong nagkasama sa Saint Vincent Catholic School. Ang mga alaala, kasiyahan, tawanan at kalungkutan ay ang mga karanasanag hindi ko makakalimutan sa loob ng paaralan.

Sana ngayong malayo ka na sa akin, ang tanging hiling ko lang ay matupad ang lahat ng mga pangarap mo. At sana sa susunod nating pagkikita ay isa ka ng ganap at mabuting pari.

No comments:

Post a Comment